Bilang Iskang galing sa UP Manila, maraming karanasan ang hindi maikukumpara sa mga karanasan ng mga Isko at Iska mula sa Diliman at LB. Ngunit anumang campus ang iyong mapiling mapasukan, siguradong magkakaroon ka ng tatak na hindi kailanman mawawala - Iskolar ng Bayan.
Nang mapanood ko ang bidyong ito, ang aking mga naisip?
- Sa 7 presidente, 12 chief justices at marami pang mga dating Isko at Iska na namalakad at namamalakad sa ating bansa, ano na ang nangyari? Bakit tila walang nagawa ang napakagandang paghasa ng ating dakilang Unibersidad sa kanilang mga kaalaman? Bakit tila nawala ang mga tuwid na prinsipyong dati nilang pinanindigan? Kaya ang hamon ko sa mga naghahangad na makapasok sa UP, baguhin natin ang bansang nagpaaral sa atin at ang mga natutunan natin ay wag kalimutan. Dapat nating tiyaking gagawa tayo ng mga mabubuting bagay na tatak sa buhay ng sambayanan!
- Isang babala: Sa likod ng malaking pagkukulang na ito, iba pa din talaga ang makapasok sa UP. NGUNIT!! Ang napakalaking tanong ay kung paano ka lalabas dito? Sa hirap at ganda ng paghasa sa kaalaman, napakataas ng pamantayang kailangang lampasan bago maging isang ganap na Isko at Iska. Sa hirap na dinanas, napakaraming tanyag na personalidad ang nahubog ng ating dakilang Unibersidad.
- Tunay na iba talaga ang makapag-aral sa UP. Dito makikita ang napakaraming realidad na maaring hindi maipakita ng ibang pamantasan. Sa UP makakakilala ng kakaklaseng P60 lamang ang tuition fee, dito ka din makakahalubilo ng mga conyong Isko at Iska haha. Tunay na napaka-kakaiba ng karanasan!
- Syempre di mawawala ang tanong na: Kailan kaya kami mananalo sa basketball (UAAP)? hahaha
- At ang huli. Ang himig na hindi kailanman malilimutan: UP Naming Mahal. Siguradong tutulo ang iyong luha 'pag ito'y naawit mo na. Napakaraming pabaong mensahe ng awit na ito na kailangang isabuhay. Humayo't itanghal, GITING at TAPANG. Mabuhay ang Pag-asa ng Bayan! Mabuhay ang Pag-asa ng Bayan!
No comments:
Post a Comment